Posibleng mas malaki pa sa naunang mga pagtataya ang maiaambag ng Thwaites Glacier sa Antarctica sa pagtaas ng lebel ng dagat pagsapit ng pagtatapos ng kasalukuyang siglo.

Ayon sa NASA Jet Propulsion Laboratory, nakatulong ang kanilang mga eksperto sa pagbuo ng mas pinahusay na modelo na isinasaalang-alang ang paggalaw ng tubig-dagat sa ilalim ng yelo.

Sa pamamagitan nito, mas mapapahusay ang mga computer simulation na ginagamit upang matukoy kung gaano kabilis at hanggang saan maaaring umurong ang naturang glacier.

Layunin ng pag-aaral na mas mapalalim ang pag-unawa ng mga siyentipiko sa posibleng epekto ng pagkatunaw at pag-urong ng malalaking yelo sa Antarctica sa pagtaas ng lebel ng dagat sa buong mundo.