Tatlo ang nasawi habang dalawa ang sugatan sa pamamaril sa isang fishpond sa Timako Hill, Barangay Kalanganan 2, Cotabato City, nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 23.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Datu Maceda Taup Yusop, 53-anyos na negosyante; Mokamad Tabunaway Lanta, residente ng Lebak, Sultan Kudarat; at Reni Hamsa, isang mangingisda at residente ng Timako, Kalanganan 2.
Sugatan naman sina Daryl Bagundang Oliveros at Jun Tabunaway Lanta, na kapwa kasalukuyang ginagamot sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC).
Batay sa paunang ulat ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), naganap ang pamamaril bandang alas-7:40 ng umaga sa Maceda Fishpond.
Ayon sa imbestigasyon, nagkita umano ang mga biktima at mga suspek para sa isang transaksiyon sa pagbili ng mga produkto, ngunit pagdating ng mga biktima ay bumaba mula sa isang puting Toyota Hilux ang tatlong armadong lalaki at pinagbabaril sila.
Limang hindi pa nakikilalang lalaki ang tinutukoy na mga suspek, at tatlo sa mga ito ang naiulat na armado ng mahahabang baril.
Kabilang sa mga posibleng motibo na tinutukoy sa paunang ulat ang matagal nang alitan ng mga pamilya at umano’y pangingikil sa negosyo, ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Naiuwi na ng mga kaanak ang mga labi ng tatlong nasawi para sa kanilang mga ritwal sa paglilibing bilang mga Muslim, habang nagpapatuloy ang pagkuha ng mga CCTV footage upang makatulong sa pagkilala sa mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon at follow-up operations ng pulisya kaugnay ng insidente.

















