Pinagtibay ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) ang tatlong resolusyon na naglalayong palakasin ang lokal na kapasidad, isulong ang paggawa ng mga patakarang nakabatay sa datos at ebidensya, at pagbutihin ang pagsubaybay sa mga programang para sa kabataan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa ika-pitong regular na pagpupulong ng komisyon na pinangunahan ni BYC Chairperson Nasserudin “Nas” Dunding, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsasalin ng mga patakaran tungo sa kongkretong hakbang at mga resultang may kabuluhan para sa kabataang Bangsamoro.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan mula sa 15 member agencies ng komisyon upang talakayin ang mga polisiya, kasalukuyang programa, proyekto at aktibidad na nakatuon sa kapakanan at pag-unlad ng kabataan sa rehiyon.
Muling iginiit ng mga kinatawan ang kahalagahan ng pagtutulungan, kolaborasyon at maayos na koordinasyon sa pagpapatupad ng mga programa at inisyatibang naglalayong palawakin ang mga oportunidad at suportang nakalaan para sa kabataang Bangsamoro.
Inaasahang magsisilbing gabay ang mga resolusyon sa pagpapahusay ng mga patakaran at programa ng komisyon upang higit na matugunan ang mga pangangailangan at hamon na kinakaharap ng mga kabataan sa BARMM.

















