Matapos ang 21 taong paghihintay, ipinagkaloob na sa mga katutubong Teduray at Lambangian ang certificate of ancestral domain title para sa kanilang lupaing ninuno sa Maguindanao at Sultan Kudarat.

Pinangunahan ni Ministry of Indigenous Peoples Affairs Minister Gyamal Abdul Rahman ang paggawad ng titulo noong October 22, sa School of Living Traditions sa Nuro, UP, Maguindanao del Norte. Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples, unang inihain ng mga katutubong komunidad ang kanilang aplikasyon noong 2005.

Layunin ng titulo na kilalanin at protektahan ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno na mahalaga sa kanilang kultura, kabuhayan at tradisyonal na pamamahala.

Binigyang diin ng mga opisyal na simula pa lamang ang paggawad ng titulo sa patuloy na pangangalaga sa lupain ng ninuno at pagpapatupad ng mga karapatan ng mga katutubong komunidad.