Patay ang isang magsasaka matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa kahabaan ng national highway sa Barangay Nabalawag, Special Geographic Area (SGA), BARMM, dakong alas-10:45 ng umaga ngayong Oktubre 24, 2026.

Kinilala ang biktima na si Alex Talungon, residente ng Barangay Salunayan, Midsayap, North Cotabato.

Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ang biktima ng asul na Honda XRM motorcycle mula Barangay Salunayan patungong Barangay Nabalawag nang umano’y sundan at pagbabarilin ng suspek na sakay ng isang minivan.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng bala na hindi pa natutukoy ang kalibre.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at nagsagawa na rin ng hot pursuit operation upang matukoy at maaresto ang tumakas na suspek.