Kahit na naglabas na ng desisyon ang korte suprema na nag-aalis sa lalawigan ng Sulu sa BARMM, tiniyak pa rin ng Pamahalaang Bangsamoro ang tuloy-tuloy na pagtanggap ng 5,700 na empleyado ng Bangsamoro sa probinsya ngayong taon, alinsunod sa kinakailangang reglamentos.
Ito ang naging pagtitiyak ni Bangsamoro Spokesperson Mohd Asnin Pendatun. Ayon kay Pendatun na sya ring kalihim ng gabinete, natanggap na nila ang desisyon ng SC noong ika 16 ng Setyembre na nagtatakda ng cutoff “as to the appreciation of such ruling”.
Matatandaan na noong Setyembre 9 ng gulantangin ng Supreme Court ang mamamayan ng Sulu at ng BARMM ng ihiwalay nito ang nasabing probinsya sa rehiyon dahil sa naging resulta ng plebisito noong 2019 na bumoto ng hindi pabor ang mga mamamayan nito sa pagkakasali ng probinsya sa BARMM.
Ayon din kasi sa Seksyon 18, Artikulo 10 ng konstitusyon, tanging mga probinsya, siyudad maging geographic areas lamang na bumoto ng pabor sa plebesito na nagtatakda o gagawa ng autonomong rehiyon ang makakasali sa naturang rehiyon.
Dagdag pa ni Pendatun, tinitignan nila ang kapakanang pangkalahatan ng mamamayang Bangsamoro sa Sulu at gumagawa din sila ng mga rekumendasyon na magbebenepisyo sa mga nasasangkot. Sinabi rin ni Pendatun na makatatanggap pa rin ang mga personaheng nasa permanent status ng kanilang sahod mula Setyembre 1 hanggang 15 ngunit pagtungtong ng Setyembre 16 ang parehas na permanente at mga Contract of Service ay pipirma ng dokumebto na nagsasaad na sa oras na ito ay nadisallow ay kanila itong ibabalik sa gobyerno.
Pinaalala din ni Pendatun na ang mga kontrata ng COSP ay kailangan maging binding pa rin sa regional government. Sa mga bakanteng pwesto, idinagdag pa nito na ito ay mananatili pa ring bakante unless otherwise ordered. Sa kabilang dako naman, ng matanong si Pendatun hinggil sa mga legal na hakbangin ng Bangsamoro Government ukol sa desisyon, sinabi nito na ang BARMM government ay tumutuklas pa rin ng mga legal na hakbang upang mapreserba ang gana ng Bangsamoro Peace Process na nakasalig sa CAB o ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na syang pinagkasunduan ng MILF at ng Pamahalaan na siyang nagpahinto ng armadong pakikibaka ng partido.