Mga kandidatong nagkakaisa sa ilalim ng partido na maghatid ng mas matatag, nagkakaisa at maunlad na siyudad para sa lahat.
Ito ang mithiin ng UBJP o ng United Bangsamoro Justice Party – Cotabato City para sa lungsod matapos na ianunsyo nito ang pambato nito sa lungsod na susuong sa hamon ng May 2025 Midterm Elections.
Inindorso nang nauna ng UBJP sa pamamagitan ni Party President at BARMM Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim ang tambalan nina Incumbent Mayor Bruce Matabalao at Kap Johair Madag bilang mga pangunahing ulo sa pagkaalkalde at bise alkalde ng lungsod.
Samantala, sa 10 na miyembro ng Sangguniang Panglungsod o konsehal, nananatili pa rin ang broadcast journalist at number 1 councilor na si Florante “Popoy” Formento at incumbent na si Konsehal Elyboy Midtimbang, mga Kapitan na sina Mohammad Mangelen, Joven Pangilan at Jonas Mohammad, abogado na si Atty. Anwar Malang, Michael Datumanong, Faidz Edzla, Datu Raiz Sema at Bai Shalimar Candao.
Sa post ng UBJP Regional Headquarters matapos ang anunsyo, sinabi nito na ang linyada ng Matabalao-Madag sa lungsod ay binubuo ng mga lider na may malalim na karanasan sa paglilingkod at may malasakit sa kapakanan ng mga komunidad at mamamayan sa lungsod.
Nakatakdang maghain ng kandidatura ang grupo sa susunod na linggo ng Oktubre.