Malubhang nasugatan ang isang kasambahay ni Bangsamoro Human Rights Commissioner Archie Buaya matapos na ratratin ng assault rifles ng isang grupo na armado ang bahay nito sa Barangay Labungan sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kamakalawa.

Tinamaan sa ulo ng bala ang biktima na si John Debang na kasambahay ng naturang opisyal. Sa inisyal na ulat ng mga taga Barangay, nilapitan diumano ng grupo ang bahay ng nasabing opisyal at niratrat ng assault rifles.

Wala aniya si Buaya ng maganap ang insidente at ito ay nasa opisyal na trabaho sa labas ng bansa.

Damay din sa pagratrat ng mga suspek ang bahay ng empleyado ng BHRC na si Ben Aguil na nasa tabi lamang ng bahay ni Buaya.

Si Buaya, Debang at Aguil ay mga miembro ng etnikong tribo na Teduray na may aabot sa 75 ang bilang ng tribal leaders sa Maguindanao del Norte at Sur, maging mga bayan sa Sultan Kudarat sa Region 13 ang napatay sa mga serye ng pamamaril ng mga armado na sakay ng motor, pananambang at pangaatake sa mga tahanan nito sa loob ng anim na taon.

Agad namang kinundena ng Bangsamoro Human Rights Commission ang insidente.