Arestado ng mga tauhan ng CIDG-BAR at ng iba pang mga alagad ng batas ang dalawang lalaki sa isinagawa nitong joint firearms buy-bust operations sa Barangay Tambo, Sultan Mastura sa lalawigan ng Maguindanao del Norte.
Kinilala ang dalawang naaresto na si Taher Boamba alyas Ismail at Daw Rivas na mga residente sa lugar. Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni CIDG BAR RD PLTCol Ariel Huesca, si Boamba umano ang nakipagtransaksyon sa poseur buyer habang ang nagmamay-ari ng armas ay si Rivas.
Di naman na pumalag ang mga suspek ng maaktuhan ng CIDG na nakikipagtransaksyon ito sa kanilang tauhang nagkubli bilang poseur buyer.
Nakuha naman sa posesyon ng dalawa ang isang unit ng Kalibre 5.56 Elisco Rifle, isang yunit ng 30 rounder na magasin, 33 na buhay na bala, bandolyer at isang telepono na ginamit sa transaksyon.
Inaresto naman ang mga ito sa paglabag sa RA10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act at himas rehas na ito ngayon sa tanggapan ng CIDG Maguindanao PFU Office.