Naghain ng walong ibat-ibang panukala ang mga miyembro ng Bangsamoro Parliament.

Ito ay panukala para parangalan at bigyang insentibo ang mga nakamit na karangalan ng mga Top Academic Performers at mga atleta sa BARMM.

Ang unang dalawa na panukala ay nakatuon sa mga tinaguriang Bangsamoro Topnotchers na mga estudyante na nagkamit ng una hanggang ikasampung ranggo sa mga board, bar o kahit anupamang licensure exams maging ang mga nanalo na sa panlabas na sports at academic competition.

Ang Parliament Bills na may bilang 200, 201 at 202 ay naglalayon na bigyang papuri at pagkilala ang mga atleta at mga sports achievers na nagkamit na ng panloob at panlabas na karangalan.

Isa pang panukala ang pagbibigay insentibo at parangal sa mga resident topnotchers at mga institusyong pangkalinangan na naglulunsad ng akademikong kahusayan sa rehiyon.

Ang mga panukala ay nairefer na sa mga komite ng Basic, Higher and Technical Education maging sa kumite ng Finance, Budget and Management ng kapulungan.

Sa kanilang pagtayo sa plenaryo, sinabi ng mga prinsipal na may akda na sina MP Amilbahar Mawalil, Hashemi Dilangalen, Baintan Ampatuan, Jam Ramos, Don Mustapha Arbison Loong at Suharto Esmael na mahalaga ang mga panukala upang mapasalamatan at maparangalan ang mga karangalan, pananagumpay maging ang mga pagpapagal ng mga tinatawag na Bangsamoro Achievers na nagbibigay karangalan sa rehiyon.