Napigilan ng tropa ang sana ay malagim na paghahasik ng karahasan ng mga armadong grupo matapos magsagawa ng military operations ang mga sundalo ng 34th Infantry Reliable Battalion na nagresulta sa isang sagupaan sa Barangay Bagolibas, Aleosan Cotabato kamakalawa ng hapon.
Ayon sa pinuno ng 34IB na si Lt. Col. Edgardo Batinay, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa mga armadong kalalakihang sakay ng dalawang multicab, isang pickup at tatlong motor.
Pinamumunuan aniya ang grupo nina alyas Montasser at Nasser na patungo sa Sitio Tubak, Barangay Pangangan ng nasabing lugar. Agad naman na naglunsad ng operasyon ang tropa ng 34IB nannagresulta sa isang oras na bakbakan at sumugat ng tatlo sa hanay ng kalaban at isa namang sundalo sa panig ng pamahalaan.
Dahil dito naaresto ng militar ang 21 katao na kasapi ng lawless elements at nasamsam dito ang pitong matataas na kalibre ng baril, pitong bandolyer, isang granada, mga bala, magasin at mga sasakyang ginamit nito.
Samantala, pinapurihan naman ng Division Commander ng 6th Infantry Kampilan Division at JTF Central na si Major General Antonio Naffarete ang kabayanihang ipinamalas ng mga militar kabilang na si Cpl. Roy Villaber na nasugatan at ngayon ay nagpapagaling na sa mga oras na ito.
Nagpasalamat din ang naturang commander sa mga concerned citizens na nagsumbong ng mamataan ang mga armadong pangkat.