Nananawagan ang may ari ng mini van na si LJ Andejep matapos na ransakin ng mga magnanakaw ang kanilang sasakyan habang naliligo sila sa waterfalls sa Barangay Batasan, Makilala sa Cotabato.
Ito ay kung may makakita man ng kanyang mga ID maging ang ATM nito.
Nangyari ang pagbasag ng salamin ng sasakyan at paglimas dito, alas kwatro ng hapon noong Linggo.
Binitbit ng magnanakaw ang mga bag na may lamang cash maging dalawang telepono.
Ayon kay Andejep, kahit hindi na maisauli ang mga ito ay importanteng maisauli sa kanya ang mga ID maging ang ATM nito.
Maliban sa kanila, may nawalan din ng CP sa lugar matapos na buksan ang ubox ng motor nito.
Ayon sa Barangay, hindi na aniya bago ang insidente ng pagnanakaw sa mga turista sa lugar dahil may ilang beses na rin na motor na mismo ang tinangay at mga sasakyan na ding napagtropan na inalisan ng hangin ang mga gulong.
Ngunit sinabi ng mga opisyal na sarado pa sa publiko simula noong taong 2019 ang pasyalan dahil una na itong idineklara ng Mines and Geosciences Bureau na mapanganib na puntahan matapos itong tamaan ng lindol.
Hindi naman nagkulang aniya sa paalala ang Barangay sa mga nagtutungo sa lugar na matitigas ang ulo para maligo.