Sapul ng camera ng mga mamamahayag na nagcocover sa loob ng bulwagan ng Sangguniang Panglungsod ng Cotabato ang tensyon sa pagitan ng ehekutibo at ng lehislatura matapos na talakayin ang inapurang pagkakatanggal ng 3,000 na contract of service workers ng pamahalaang lungsod.
Una na kasing tinanong ni Councilor Hunyn Abu ang isang LFC member kung may mga hawak na itong dokumento na kanilang hinihingi ngunit hindi nila ito dala at humihingi pa ng palugit upang maiproduce ito.
Dahil dito, ipinagtanggol ni Mayor Bruce Matabalao ang Budget Officer nito na kausap ni konsehala Abu hanggang sa nagsipagtaasan na ang boses ng bawat isa dahilan upang irecess ni Vice Mayor Butch Abu ang sesyon.
Sa punto na iyon, nagwalkout na ang naturang alkalde at ang kanyang mga kasamahang Department Heads.
Una na rito, naghintay ng halos tatlong oras ang alkalde at ng oras na niyang maipaliwanag ang usapin, dito na tumaas ang tensyon sa loob ng bulwagan.
Nakuhanan ng mga camera ng mga mamamahayag ang naturang pag-walkout na aniya ay paglapastangan na paulit-ulit na ginagawa ni Matabalao at ng kanyang mga kasamahan sa institusyon ng Sangguniang Panglungsod.
Sa kabilang banda, inilabas ni Mayor Matabalao ang isang video kung saan makikita na si Vice Mayor Abu ang unang nag walk-out.
Makikita rin sa video na habang nagsasalita pa si Mayor Matabalao ay tila hindi na nakikinig sa kanya ang Vice Mayor at biglaang pumasok na agad ito sa kaniyang opisina.
“All is well” naman ang naging pahayag ni Mayor Bruce sa kanyang ipinakitang video sa publiko.