NILINAW ni LTC Roden Orbon, ang tagapagsalita ng 6th Infantry ‘Kampilan’ Division, na kumpirmadong labing apat (14) ang patay habang lima (5) naman ang sugatan sa nangyaring bakbakan ng dalawang armadong pangkat ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Sa ulat ng otoridad, nag-ugat sa awayan sa higit 280 hectares ng lupa, ang naging isyu na una nang pinag-aayos ng militar at mga ahensya ng pamahalaan ang mga pangkat na kinabibilangan ng 105th MILF Base Command na pinamumunuan ni Engr. Alonto Sultan laban sa 128th at 129th MILF Base Command na pinamumunuan naman ni Ikot Akmad.

Matagal na umanong may hidwaan ang grupo ni Engr. Sultan at ang grupo nina Commander Ikot Akmad at ito na ang naging mitsa upang magkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng dalawang grupo.

Nakumpiska naman ng militar ang ilang matataas na uri ng armas sa inilatag na security measures, kabilang ang apat na M16 rifles, isang M14 rifle, isang Caliber .45 pistol, mga magasin, at iba’t ibang uri ng bala.

Samantala, sa ngayon humupa ang tensiyon sa lugar matapos ang pagsisikap ng kasundaluhan, pulisya, at iba pang security forces kasama ang Government of the Philippines-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (GPH-CCCH) upang magbigay ng seguridad sa komunidad.

Hindi naman bababa sa 30 pamilya ang nagsilikas dahil sa pag-aalalang maipit sa labanan, ngunit ani Orbon, may ilang pamilya na rin ang bumalik sa kanilang pamamahay.

Sinabi pa ni Orbon, na ligtas nang makakabalik ang mga lumikas na pamilya na rin aniya sa presensya ng military sa lugar.

Ayon kay Major General Antonio G. Nafarrete, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, naghain ng sulat reklamo ang AFP sa pamunuan ng GPH-CCCH hinggil sa mga paglabag sa usapang pangkapayaan ng 105th, 128th at 129th MILF Base Command.

Aniya, hindi mangingiming gumamit ng pwersa ang militar kung patuloy ang mga ganitong labanan, lalong lalo na kung naaapektuhan ang mga inosenteng sibilyan.

Dagdag pa ng 6ID/JTFC Commander, napapanahon na para maituloy ang last phase ng decommissioning process ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) upang matugunan ang problema sa pag-aaway ng kapwa BIAF dahil sa rido.