Nakahanap ng kakampi si Senator Juan Miguel Zubiri sa katauhan ni Senate Committee on Electoral Reforms Chairperson at presidential sister Imee Marcos ng ipahayag nito na tutol sya sa panukalang ipagpaliban ng isang taon ang kaunaunahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa BARMM.

Ayon sa mambabatas, hayag na hayag ang kanyang pagtutol noon pa man hinggil sa nasabing postponement.

Ayon sa senador na kapatid ng Pangulong Marcos, kailangan na aniya marinig ang boses ng mga Bangsamoro sa pamamagitan ng malayang pagpili nila ng kanilang pambato sa halalan lalo na sa mga lider na gusto nilang mamuno sa Bangsamoro Region.

Sinabi rin ni Senadora Imee na malaking pondo ang mayroon aniya sa rehiyon kung kaya’t laway na laway ang iba at posibleng may mga nagkakainteres na indibiduwal.

Kabilang na aniya sa sinasabi ng mambabatas ang nasa 490 bilyong piso na naibigay na sa rehiyon maging ang 70 na bilyong pisong bloc grant.