Umabot sa 1,894 na healthcare workers sa rehiyon ng Bangsamoro ang nakatanggap ng kanilang Health Emergency Allowance (HEA) mula sa Ministry of Health (MOH) noong Nobyembre 11-12.

Ang allowance na ito ay sumasaklaw sa sampung buwang halaga mula Oktubre 2021 hanggang Disyembre 2021, at mula Enero 2023 hanggang Hulyo 2023, kung saan ang inilaang pondo ng MOH ay umaabot sa P820 milyong piso.

Layunin ng HEA na magbigay ng tulong sa mga healthcare workers at suportahan ang kanilang mga pamilya sa kabila ng mga hamon na dulot ng pandemya.

Pinuri ni MOH Minister Dr. Kadil Sinolinding, Jr. ang dedikasyon at serbisyo ng mga healthcare workers sa panahon ng pandemya. Ayon kay Dr. Sinolinding, “Ang allowance na ito ay isa sa mga paraan ng pamahalaang Bangsamoro upang pasalamatan at suportahan kayo sa mga sakripisyo na ginawa ninyo nang tayo ay dumaan sa isang matinding krisis pangkalusugan.”

“Ipinagmamalaki natin ang mga healthcare workers bilang mga bayani dahil sila ang mga frontliners noong pandemya. Ang kanilang mga pagsisikap ay naging susi upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19,” dagdag pa ni Dr. Sinolinding.

Batay sa Republic Act No. 11712, nakatakdang makatanggap ng pinansyal na tulong ang lahat ng healthcare workers na nagsilbi at nagbigay ng serbisyo noong kasagsagan ng pandemya.