Self serving at double standard. Ito ang naibulalas dahil sa pagkagulat at pagkadismaya ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Butch Abo dahil tanging pondo lang ng SP na nagkakahalaga ng 42 million pesos kasama na dito ang halos 13 milyong piso na ipapasahod sa mga COS o Contract of Service Emplotees ang inaprubahan samantalang ang pondo ng Executive Department ay hindi nito inaprubahan.
Sa naging regular na sesyon ng SP nitong Martes, sinabi ng mga miyembro nito na hindi nila inaprubahan ang pondo ng Executive Department na ipapasahod sa COS dahil kulang pa ang mga dokumento na inihihingi nila.
Ikinagulat ito ng alkalde dahil tatlong araw pa lamang matapos na mailibing ang misis nitong pumanaw ay nagpadala na ng emisaryo ang tanggapan ni VM Abu sa tanggapan ni Matabalao upang pag-usapan ang nasabing usapin na matagal nang naging bangayan ng dalawang departamento.
Dahil dito, pinag-iisipan na ng alkalde kung aaprubahan nito ang pondo ng SP o iveveto ito dahil sa nangyari. Kapag kasi naaprubahan ito, makakasahod na ang halos 200 na COS ng SP na apat na buwan nang pumapasok ng walang pasahod.
Sa kabilang dako naman, madilim pa rin ang tinatahak na landasin ng mahigit sa 2000 na COS ng Executive Department dahil hindi inaprubahan ang pondo na magbibigay pasweldo sa kanila ng SP.