Mariing kinukondena ng Ministry of Indigenous Peoples Affairs (MIPA) ang walang awang pagpatay kina Cita Angan at Ricky Tapioc, at ang pananambang kay Saber Zacaria at Kutang Tilok sa Sitio Iskagit, Barangay Sayap, Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur noong alas-11:40 ng umaga noong Disyembre 19, 2024.
Ayon sa ulat ng mga otoridad, ang mga biktima ay nagmula sa Munisipyo ng Datu Hoffer Ampatuan upang kumuha ng mga ayuda, at habang papauwi, sila ay pinagbabaril ng isang hindi nakilalang armadong grupo.
Samantala, matatandaan na noong Disyembre 7, 2024, si Bayawan Angan, ang asawa ni Cita Angan, ay pinatay din sa Sitio Kukor, Barangay Mantao, Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Kaugnay nito, ang Ministry of Indigenous Peoples Affairs (MIPA) ay nananawagan sa mga ahensya ng batas at iba pang mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga Katutubong mamamayan sa nasabing lugar.
Ang mga salarin sa mga karumal-dumal na pagpatay na ito ay hindi dapat bigyan ng anumang awa para sa kanilang mga hindi maipaliwanag at hindi mapapatawad na mga kilos ng karahasan dagdag pa ng MIPA.
Nag-aabot rin ng taos-pusong pakikiramay sa mga naulilang pamilya ang nasabing ahensya ng gobyerno.