Kahit paulit-ulit na sa pagsaway at pagpapaalala sa mga magulang, bata at maging sa mga isip-bata ang Regional Civil Security Unit ng PRO-BAR na wag nang tumangkilik at gumamit ng mga paputok, marami pa rin ang tila nagtetengang kawali sa panawagan nito.

Isang batang lalaki diumano na taga Mamasapano, Maguindanao del Sur ang sugatan matapos na masabugan ng nilalaro nitong BOGA.

Ayon sa isang netizen na si Johara Mabpandi, agad na idinala sa bahay pagamutan ang bata matapos na maputukan ang mukha nito ng BOGA.

Dahil dito, paulit-ulit pa rin na parang broken record ang babala ng departamento ng kapulisan sa mga mamamayan ng rehiyon na wag magtangkang tumangkilik at gumamit ng mga firecracker and pyrotechnic devices dahil sa bukod sa ito ay delikado sa kalusugan ng tao, labag din ito sa mga umiiral na dekreto at mga batas.

Kahit na di kasali ang BOGA sa listahan ng mga legal na paputok na itinitinda, maari itong gawin ng sinuman na mayroong lata, packaging tape, PVC pipe at iba pa.