Ayon sa mga bagong ebidensyang natuklasan ng mga siyentipiko, maaaring nagmula ang buhay ng mga alien sa mainit na tubig na minsang naroroon sa planetang Mars.
Pinaniniwalaang may mainit na lawa noon sa tinaguriang “Red Planet,” na posibleng naging tirahan ng mga alien noong sinaunang panahon.
Bagama’t tuyot na ang Mars sa kasalukuyan, nananatiling naniniwala ang mga eksperto na bilyong taon na ang nakararaan, posibleng naging tirahan ito ng mga extraterrestrial na nilalang.
Ang bagong ebidensya ay mula sa zircon grain, na may tanda umanong 4.45 bilyong taon.
Ang butil na ito ay may bakas ng likidong nagmula umano sa tubig. Natuklasan ito sa Martian meteorite na NWA7034, na tinatayang 2 bilyong taon na ang edad at nadiskubre noong 2011 sa Sahara Desert, North Africa.
Ito rin ang pangalawa sa pinakamatandang uri ng bagay na natuklasan ng mga siyentipiko.
Naniniwala ang mga iskolar na ang ebidensyang ito ay nagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa hydrothermal system, na may kaugnayan sa magma na inilalabas ng bulkan.
Ang hydrothermal systems na ito ay sinasabing nagbigay-daan sa pagbuo ng buhay sa Earth at maaaring nagkaroon din ng tubig ang Mars, na isa sa mga pangunahing sangkap para sa isang lugar na maaaring tirahan.
Ayon sa mga geologist, maaaring nawala ang tubig sa Mars dahil sa matinding solar radiation mula sa Araw, 4.1 bilyong taon na ang nakalilipas.