Tinawag ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na isang uri ng “dirty tactics” ang isinampang kaso laban sa kanya at apat sa kanyang department heads ng anim na konsehal ng lungsod.
Ang kasong ito ay may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Republic Act 7080 o ang batas laban sa Plunder.
Ayon sa alkalde, may halong pamumulitika ang naturang kaso dahil aniya, kumpleto ang mga dokumentong magpapatunay na wala silang nilabag na batas.
Dagdag pa niya, wala siyang natanggap na subpoena o summons kaugnay ng mga alegasyon ng maling paggamit, malversation, at falsification ng pondo at resources ng lungsod.
Ang kaso ay isinampa ng anim na konsehal na sina Marouf Pasawiran, Gabby Usman, Hunyn Abu, Kusin Taha, at SK Federation President Datu Noriel Pasawiran noong Agosto 2024 sa tanggapan ng Ombudsman sa Maynila. Hiniling din ng mga complainants ang agarang resolusyon ng kaso at ang pagsuspinde sa alkalde at iba pang sangkot.
Sa kabila ng kontrobersya, tiniyak ni Mayor Matabalao na patuloy siyang maglilingkod sa lungsod. “Ipaglalaban ko ang ating lungsod laban sa anumang porma ng katiwalian at korapsyon,” aniya.