Apektado na ang mga klase at ilang pangunahing kalsada sa iba’t ibang estado ng United States dahil sa malakas na winter storm.
Sa mga estado ng Florida, Alabama, Georgia, North at South Carolina, nagulat ang mga residente dahil bihira lang maranasan ang snow sa kanilang lugar.
Noong una, natuwa ang iba sa kakaibang tanawin, ngunit mabilis din silang nangamba dahil sa madulas na mga kalsada dulot ng snow.
Nagdala ang bagyo ng nagyeyelong ulan, kaya’t pinayuhan ng mga opisyal ang mga residente na huwag munang bumiyahe dahil delikado ang mga daan.
Mahigit 170 milyong Amerikano ang nagdurusa ngayon sa matinding lamig na nakaapekto na sa maraming komunidad, kabilang ang kabisera ng US na Washington D.C. Dahil sa lagay ng panahon, inilipat ang ilang aktibidad, kabilang na ang mga outdoor event.
Isinara rin ang higit 100 milyang kalsada sa southernmost interstate sa Louisiana at Florida. Bukod dito, nakansela rin ang daan-daang flights sa iba’t ibang paliparan sa Amerika.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Ma. Shiela Casaysay Saldo, isang Filipina teacher sa North Carolina, ibinahagi niya ang matinding lamig at delikadong lagay ng kalsada sa kanilang lugar.
Ayon kay Saldo, “Grabe po talaga ang lamig ngayon, sobrang delikado rin ang daan dahil sa block ice. Kailangan talaga ng dobleng pag-iingat.”
Patuloy na pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatili sa loob ng bahay at sundin ang mga abiso mula sa mga lokal na awtoridad.