Mariing kinondena ng 101st infantry brigade ang nakapanghihilakbot na karahasan na naganap sa Brgy. Lower Cabengbeng, Sumisip, Basilan kung saan dalawa (2) ang napatay na sundalo at labindalawa (12) naman ang sugatan.

Sa pahayag ng militar, sinabi nito na nakatakdang magsagawa ng validation and stakeholder coordination ang mga kinatawan ng United Nation Development Programme (UNDP) sa Basilan na nagsimula kamakalawa at magtatapos sana ngayong biyernes.

Coordinated din aniya ang misyon ng militar sa Joint Peace and Security Committee sa ilalim ng Joint Normalization Committee na sinusuportahan ng mga lokal na pamahalaan at mga lider nito.

Habang nagsasagawa ng routine security ang mga kasapi ng 32nd Infantry Batallion sa lugar, dito na naka-engkwentro ng mga armadong grupo na pinamumunuam nina Najal Buena at Oman Hajal Jalis na kilala sa pagkakaugnay ng mga pangalan nito sa mga rido sa lugar.

Ang mas masakit pa aniya dito, sinuportahan pa ng ilang kasapi ng MILF ang nasabing pag-atake dahilan upang malagay na naman sa alanganin ang kanilang katatayuan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.

Bukod sa dalawang patay at labindalawang sugatan, sinunog naman ng mga umatake ang isang military truck.

Sa panig naman ng mga umatake, dalawa ang nasawi ayon sa militar.

Dahil dito, nanawagan ang pamunuan ng 101st ib sa liderato ng MILF na magsagawa ng kagyat na aksyon at pagdisiplina sa mga kasapi nito na nakipagpartisipa sa insidente.

Aniya, ang partisipasyon ng mga nasabing kasapi ay naglagay sa insulto sa usaping pangkapayapaan at nagbibigay ng malakihang banta sa progresong naipunla na sa normalization efforts.

Una nang kinondena ni Basilan Governor Jim Hataman Salliman ang nasabing insidente at iginiit nito na sa kabila ng mga naganap na gulo, nananatili pa ring payapa at tahimik ang lalawigan ng Basilan at nagpasalamat pa ito sa katuwang niyang kapulisan at militar.