Posibleng maglabas ng resolusyon ang Commission on Elections (COMELEC) na mag-oobliga sa mga kandidato na dumalo sa mga televised debates bilang paghahanda para sa darating na midterm elections sa 2025.

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, mahalaga ang pagdalo ng mga kandidato sa debates upang matulungan ang mga botante na makilatis nang maayos ang kanilang mga pagpipilian.

“Kinakailangang sumunod sila sa patakaran ng COMELEC, at kung inendorso namin ang isang debate, maaari naming i-compel ang mga kandidato na umatend,” ani Garcia sa isang panayam.

Sa mga nakaraang halalan, ilan sa mga kandidato, lalo na ang mga nangunguna sa pre-election surveys, ang umiwas sa debates upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang tsansa sa panalo.

Dagdag pa ni Garcia, hindi na ang COMELEC ang mismong magho-host ng debates para sa mga senatorial candidates, tulad ng ginawa noong 2022.

“Ang nangyari noong 2022, ang COMELEC ang nag-sponsor ng debate. Hindi tama ‘yun, contrary sa batas. Kaya ngayon, ine-engganyo namin ang mga istasyon ng radyo at TV na gustong magpa-debate. Kami ang magbibigay ng go signal,” paliwanag niya.

Ang hakbang na ito ng COMELEC ay inaasahang magpapataas ng kamalayan at partisipasyon ng publiko sa darating na halalan.

Abangan ang mga susunod na update mula sa COMELEC tungkol sa resolusyong ito!