Ipinagluluksa ng buong lungsod ng Cotabato ang pagpanaw ng maituturing na Most Prolific Lawmaker ng lungsod na si Dr. Danda Juanday. Pumanaw si Dr. Juanday sa edad na 74-anyos kahapon, Enero 26 sa di mabatid na dahilan.

Kinumpirma naman ito ng kanyang pamangkin na si Former Cotabato Mayor Atty. Cynthia Guiani sa naging FB post nito. Ayon kay Atty. Guiani, sinabi nito na nawalan sila ng napakalakas na haligi ng pamilya ng pumanaw ang kanyang tiyuhin.

Hindi aniya maipaliwanag ng dating alkalde ng lungsod ang nararamdaman nito sa pagpanaw ng kanyang tito na maituturing niyang passionate sa pagsisilbi sa taumbayan.

Dagdag pa ni Guiani, bago pa man pumanaw si Konsehal Juanday, tumanggap pa ito ng pagkilala bilang isa sa sampung Outstanding Bridging Leader ng Asian Institute of Management o AIM.

Bukod pa rito, nang pumanaw ang parehong Ina at Ama ng alkalde, bukas palad itong tinulungan ang kanyang mga pamangkin lalo na sa mga oras na sinusubok sila.

Nagsilbi si Dr. Juanday bilang City Administrator sa panahon ng dating alkalde na si Guiani mula 2019-2022 at naging konsehal ito mula 2022 hanggang Enero 26, taong kasalukuyan.

Isa ring practicing Obstetrician-Gynecologist si Dr. Juanday bukod sa pagiging mambabatas, bagay na naging ikinatanyag nito sa buong lungsod ng Cotabato.

Labis namang ipinagluluksa ng pamahalaang lungsod ng Cotabato ang pagpanaw ng naturang mambabatas. Naka half-mast naman ang bandila ng Pilipinas sa People’s Palace, Cotabato City bilang pagrespeto at pagmamahal ng siyudad at ng pamahalaan sa naturang konsehal.