“Mahal na mahal mo ako, Mayor! I love you!”
Tila may halong biro ngunit may laman ang pahayag ni Cotabato City Councilor Hunyn Abu kaugnay sa kasong isinampa sa kanya ni Mayor Bruce Matabalao. Ang kaso ay tungkol sa diumano’y hindi pagdalo ni Abu sa unang sesyon ng Sangguniang Panlungsod at sa State of the City Address (SOCA) ng alkalde noong Hunyo 2024.
Sa reklamo, pinupunto rin ni Matabalao na nagsinungaling si Abu tungkol sa kanyang hindi pagpunta sa Philippine Councilors League (PCL) assembly noong nakaraang taon.
Ayon kay Konsehala Abu, tila hindi siya tinatantanan ng alkalde dahil hindi nito sinusuportahan ang ilang kahilingan ni Matabalao. Si Abu ang pinuno ng Committee on Finance and Appropriations, at giit niya, hindi siya papayag sa anumang pressure mula sa alkalde na maaaring makakaapekto sa budget ng lungsod.
Dagdag pa ng konsehala, wala siyang nakikitang bigat sa kanyang hindi pagdalo sa SOCA, dahil ito ay isang tradisyon lamang at hindi naman kailangang mandatoryo ang presensya ng lahat ng konsehal.
Sa huli, binitawan ni Abu ang isang matapang ngunit pabirong pahayag. Aniya, kung galit si Matabalao dahil sa kanyang hindi pagdalo, humihingi siya ng paumanhin. Sinabi pa niya, “Namimiss kita, Mayor… I love you!” na tila may bahid ng sarkasmo.