Tahasang inihayag ng Cotabato City Police Office o CCPO na walang exempted o magiging sacred cows sa ipinatutupad ng pulisya na COMELEC Gunban sa lungsod lalo’t kung mapapatunayang di ito exempted o authorized ng Komisyon sa Halalan.

Ito ang pagbibigay diin ng tagapagsalita ng CCPO na si PLt. Rochelle Evangelista at ayon sa kanya, ang kanilang ipinatutupad na COMELEC Gunban ay hindi exempted sa lahat ng indibidual maging ang mga pulitiko sa lokal na lebel.

Dagdag ni PLt. Evangelista, maaring makasuhan at makulong ang isang pulitiko na daraan sa kanilang itinalagang checkpoints na may bitbit na armas o may tangay-tangay na body guards na walang bitbit na autorisasyon, exemption o dokumento galing comelec.

Ngunit maari aniyang maexempt ang isang pulitiko sa naturang gunban at payagang magbitbit ng armas maging bodyguards kung mayroon itong autorisasyon galing COMELEC at ito ay ang mga pulitikong may active threat o yung mga indibidual na may bitbit na malaking halaga ng cash o salapi.

Ngunit ayon sa inilabas na resulusyon ng COMELEC En banc, ang mga personahe na pinapayagan lang nito na magdala ng armas ay ang kapulisan, militar at iba pang mga law enforcement agencies, maging ang mga pinakamatataas na opisyales ng gobyerno ng bansa at mga mambabatas sa kongreso at senado.

Kasama naman din sa exemption ang mga cashiers, treasurers at disbursing officials na may bitbit na malaking halaga ng salapi o mga armored vans or cars.