Sa isang malaking hakbang sa patuloy na kampanya laban sa smuggling, matagumpay na inaresto ng mga awtoridad ang isang suspek at nakumpiska ang mga smuggled na sigarilyo sa isang pinagsamang operasyon sa Patikul, Sulu, bandang 1:20 AM noong Hulyo 4, 2024.
Sa pinagsanib na pwersa mula sa Patikul Municipal Police Station at 4th Regional Mobile Force Company (RMFC) ng RMFB 14-B ang nagsagawa ng operasyon batay sa impormasyong natanggap mula sa isang residente. Ang mabilis na aksyon ay humantong sa pagkaka-aresto ng suspek at pagkakumpiska ng 97 kahon ng smuggled na sigarilyo na may tinatayang kabuuang halaga na Php5,640,600.00.
Ang suspek, residente ng Patikul, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Patikul MPS para sa karagdagang imbestigasyon. Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay ituturn-over sa Bureau of Customs, Sulu, upang matiyak ang tamang legal na proseso.
Pinuri ni PBGEN PREXY D TANGGAWOHN, Acting Regional Director, PRO BAR, ang mga yunit na kasangkot sa malaking tagumpay na ito. “Sa harap ng mga kamakailang pag-aresto sa mga smuggling activities, kami ay nagpapadala ng malinaw at hindi matatawarang mensahe sa mga lumalabag: oras na upang itigil ang inyong mga iligal na gawain. Ang PRO BAR ay nananatiling matatag sa kanilang dedikasyon na wakasan ang smuggling at patuloy na paiigtingin ang kanilang mga operasyon hanggang sa ganap na matigil ang iligal na kalakalan na ito,” kanyang pahayag.
Patuloy na hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na ireport ang anumang kahina-hinalang mga gawain, pinatitibay ang papel ng komunidad sa paglaban sa smuggling at iba pang iligal na aktibidad.