Binisita ni Pangulong Ferdinand “Bong-Bong” Marcos ang Sulu Provincial Capitol noong Huwebes, Hunyo 5, upang pangunahan ang pamamahagi ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa sa 10,000 na piling benepisyaryo mula sa mga komunidad ng magsasaka, mangingisda, at mga lokal na pamilya.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng tulong pinansyal na ito bilang tugon ng gobyerno sa mga hamong dulot ng El Niño.
“Narito kami ngayon upang ihatid sa inyo ang tulong ng pamahalaan, umaagapay sa inyong pagbangon mula sa mga pagsubok na dala ng El Niño at upang mapakinggan ang inyong mga suliranin,” ani Pangulong Marcos.
Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform sa kanilang walang sawang suporta, partikular sa pagbibigay ng mga kinakailangang makinarya sa 17 asosasyon ng mga magsasaka sa lalawigan.
“Kasama din natin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform na maghahandog sa inyo ng karagdagang kagamitan sa pagsasaka,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Kinilala rin ng Pangulo ang mahalagang papel ng lokal na pamahalaan ng Sulu sa pagpapabuti ng buhay ng mga Tausug. Pinuri niya ang kolektibong espiritu ng pagkakaisa na naging instrumento sa pagsusulong ng progreso at kasaganaan sa rehiyon.
Ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kanyang walang patid na suporta sa sektor ng agrikultura, tiniyak niya na ang mga magsasaka at mangingisda ay makakatanggap ng kinakailangang tulong at pagkalinga na nararapat sa kanila. Binanggit niya ang mahalagang ambag ng mga masisipag na indibidwal na ito sa pagbibigay ng pagkain para sa bansa, na tinawag silang gulugod ng industriya ng agrikultura.
Sa pagtanaw sa hinaharap, tiniyak ni Pangulong Marcos na ang kanyang tanggapan at ang mga lokal na pamahalaan ay mananatiling bukas at handang tumugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Sulu.
Isa sa mga benepisyaryo, si Saddam M. Abun, ay nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa Tanggapan ng Pangulo at sa Bangsamoro Government para sa tulong pinansyal at makinaryang ibinigay sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
“Alhamdulillah muna-muna hitukbal namu in pagsarang-sukul pa Allahu Subhanahu Wa Ta’ala pag-ubos ha nagpajatu sin program bihaini, amuin dihilan nila cash assistance iban mga panyap kalagihan pag-uma iban mga hipag-ipat manuk,” ani Abun.
Dumalo rin sa kaganapan ang mga pangunahing opisyal, kabilang sina Sec. Antonio F. Lagdameo Jr., Special Assistant to the President; Sec. Francisco P. Tiu Laurel Jr. ng Department of Agriculture; Sec. Rexlon T. Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development; Secretary Benjamin D.C. Abalos Jr. ng Department of the Interior and Local Government; at Sec. Cheloy E. Velicaria-Garafil ng Presidential Communications Office.
Ang pagbisita ni Pangulong Bong-Bong Marcos sa Lalawigan ng Sulu ay nagbigay ng pag-asa at pagkakaisa, na sumisimbolo ng bagong yugto ng progreso at kasaganaan para sa mga matatag na komunidad ng Rehiyon ng BARMM.