Nagpahayag ng pagdadalamhati at pakikiramay ang Bangsamoro Government, sa pangunguna ni Chief Minister Murad Ebrahim, sa pagpanaw ng dalawang kawani ng Project TABANG na nalunod habang nasa medical mission sa Tawi-Tawi.
Kinilala ang mga nasawi bilang sina Muammar Nonongan mula sa Cotabato City at Acram Sairila mula sa Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat, patungo sa Tandubas, Tawi-Tawi ang grupo ng Project TABANG noong Sabado nang biglang tumaob ang kanilang bangka dahil sa malalakas na alon. Agad namang rumesponde ang mga residente at awtoridad, ngunit hindi na nailigtas sina Nonongan at Sairila.
Sa naging pahayag ni Cabinet Secretary at Bangsamoro Government Spokesperson Moh’d Asnin Pendatun na sampu ang sakay ng bangka.
Sa kasamaang palad, hindi marunong lumangoy si Nonongan kaya’t sinubukan siyang sagipin ni Sairila, subalit pareho silang nalunod dahil sa lalim ng tubig. Ang iba pang pasahero ay nakahawak sa bangka at nakaligtas.
Upang maiuwi ang mga labi ng mga biktima, isinakay sila sa isang pribadong eroplano mula Tawi-Tawi patungong Zamboanga, at mula Zamboanga patungong Cotabato-Awang Airport.
Nairaos na ang kanilang libing alinsunod sa tradisyong Islam.