Habang papalapit ang Araw ng mga Puso, inaasahan ng mga lodging houses sa Cotabato City na magiging puno na ang kanilang mga kwarto, kagaya ng nakaraang taon.
Ang lungsod ay kilala sa pagiging paboritong destinasyon ng mga magjowa at mag-asawa tuwing Valentine’s Day, kaya’t hindi na nakapagtataka kung bakit punuan ang mga establisyimento.
Sa naging panayam ng Star FM Cotabato kay Dodong, isang trabahante ng isang lodging house, inilahad niya ang karaniwang sitwasyon tuwing Pebrero 14.
Ayon kay Dodong, ang kanilang lodging house ay palaging punuan sa araw ng mga puso, at kadalasan, ang mga parokyano ay mga magkasintahan at mag-asawa na naghahanap ng lugar upang magdiwang ng kanilang pagmamahalan.
“Kalimitan, short time lang, mula umaga hanggang hapon, at marami ang nag-aabang para makapasok. Minsan nga, hinihintay pa nila ang mga taong nasa loob upang makapasok sila,” ani Dodong.
Dahil sa inaasahang dagsa ng mga bisita, mahigpit ang paalala ni Dodong sa mga magkasintahan at mag-asawa na magplano nang maaga. “Kung ayaw ninyong maabala at magkaaberya sa inyong araw ng mga puso, magpareserba na nang maaga, dahil malamang punuan na ito habang papalapit ang Valentine’s Day,” dagdag pa niya.
Muling pinapaalala ni Dodong na ang pagpaplano ay susi upang maging mas magaan at masaya ang araw ng mga magkasintahan.
Kaya naman, habang abala ang lahat sa paghahanda para sa araw ng pagmamahalan, siguraduhing may lugar na pagdiriwang sa mga hotel at lodging houses sa Cotabato City.