Nauwi sa madugong trahedya ang isang pamamaril na naganap kaninang umaga sa Barangay Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.

Target ng ambush ang punong barangay ng lugar na si Edris Sangki, 54-anyos, kasama ang kanyang kagawad na si Penny Balawgan, 56, at barangay secretary na si Abdul Latip, 55.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng dalawang motorsiklo ang mga biktima at binabaybay ang isang kalsada sa Barangay Kaya-Kaya pasado alas-diyes ng umaga nang bigla silang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin.

Ang mga suspek, sakay ng isang kulay-abong minivan, ay agad na tumakas matapos ang pamamaril.

Si Sangki ay presidente rin ng Liga ng mga Barangay at kasalukuyang miyembro ng Sangguniang Bayan.

Bagamat sugatan, maswerteng nakaligtas ang tatlo at agad na nadala sa pagamutan para sa lunas.

Samantala, narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang pitong basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na klase ng baril.

Patuloy ang imbestigasyon ng PNP upang alamin ang motibo sa likod ng krimen at matukoy ang mga nasa likod ng pananambang.