Dinagsa ng mga mamimili ang mga flower shop sa lungsod ngayong Araw ng mga Puso, dahilan para maubos agad ang mga panindang bulaklak.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay Elizabeth Gumapaz, isang flower shop owner, sinabi nitong mas malakas ang bentahan ngayong taon kumpara sa mga nakaraang Valentine’s Day.

Gayunman, aminado siyang mas tumaas ang presyo ng mga bulaklak ngayong taon. Ang pinakamurang single rose ay nagkakahalaga ng P70, habang ang pinakamahal na customized bouquet ay umaabot sa P3,500.

Ayon pa kay Gumapaz, karamihan sa mga bumibili ngayong Valentine’s Day ay mga mag-jowa at mag-asawa, na talagang todo effort para iparamdam ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga minamahal.

Bukod sa bulaklak, malakas din ang bentahan ng pagkain sa lungsod ngayong Araw ng mga Puso.

Sa panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni Ena, may-ari ng BBQ house sa Cotabato City, na maaga pa lang ay naubos na ang kanilang inihaw na manok kagabi, bisperas ng Valentine’s Day.

Masaya naman si Ena at iba pang may-ari ng kainan dahil ramdam nila ang pagdagsa ng mga kumakain, lalo na ang mga magkasintahan at pamilya na nagdiriwang ng espesyal na araw.

Patuloy namang inaasahan ng mga negosyo sa lungsod ang pagtaas ng kita ngayong araw, kasabay ng pagdiriwang ng Valentine’s Day.