Isang nakakagimbal na insidente ang natuklasan sa Sto. Domingo Public Cemetery matapos madiskubreng nawawala ang bangkay ng isang 82-anyos na lola na kalilibing pa lamang.

Ayon sa ulat, isang sepulturero ang unang nakapansin na bukas ang nitso ng matanda at wala na ang kanyang katawan sa loob ng kabaong. Agad itong ipinaalam sa punong barangay ng San Isidro, na siya namang nagpaabot ng impormasyon sa mga awtoridad.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng PNP Sto. Domingo, natagpuan ang katawan ng biktima humigit-kumulang 100 metro ang layo mula sa kanyang libingan. Hinihinalang kinaladkad ito ng hindi pa matukoy na suspek. Base sa inisyal na pagsusuri, may sugat sa mukha ang bangkay at wala na itong suot na panloob na kasuotan.

Sa ngayon, nasa isang punerarya na ang katawan ng biktima, at nakatakdang ipa-autopsy ng kanyang pamilya upang matukoy ang tunay na dahilan ng insidente.

Matatandaang pumanaw ang biktima noong Pebrero 6, 2025, at inilibing noong Pebrero 15. Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng PNP upang alamin ang motibo at matukoy ang responsable sa karumal-dumal na insidenteng ito.

PAGLILINAW: Bilang respeto sa pamilya ng biktima, hindi na namin isasapubliko ang kanyang pangalan.