Ayon kay dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Domingo Cayosa, may posibilidad na kasuhan ng mga senador si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang pahayag tungkol sa pagpatay sa 15 senador upang magkaroon ng puwang para sa mga kandidato ng PDP-Laban sa Senado.

Paliwanag ni Cayosa, kahit pa biro lamang ito ni Duterte, kung may senador na makaramdam ng personal na takot sa kanyang sinabi, maaari itong magsampa ng kaso.

Dagdag pa niya, kailangang may magpatotoo at ituring ang pahayag ni Duterte bilang isang banta sa kanilang buhay o seguridad. Gayunpaman, kung walang senador na magsasampa ng reklamo, magiging mahirap ang pagsasampa ng kaso gaya ng grave threat, kahit pa magsagawa ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI).

Ipinaliwanag din ni Cayosa na ang korte ay magbabatay sa ebidensyang ipapakita sa kanila.

Matatandaang noong nakaraang linggo, sa isang proclamation rally ng PDP-Laban, nagbiro si dating Pangulong Duterte na papatayin na lang ang 15 senador para magkaroon ng bakanteng pwesto sa Senado. Kung mangyari ito, makakapasok umano ang lahat ng kandidato ng PDP sa Senado.