Upang mapahusay ang presensya ng pulisya ngayong Banal na Buwan ng Ramadhan at sa mga susunod pang panahon, magtatayo ang Bangsamoro Government sa pamamagitan ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS) ng apat (4) na makabagong mobile-type police outposts sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sa isang panayam noong Marso 5, binigyang-diin ni MPOS Director General Atty. Al-Rashid Balt ang dedikasyon ng kanilang ahensya sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, lalo na sa panahon ng Ramadhan.
Ang proyektong ito ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng MPOS upang suportahan ang sektor ng seguridad sa pagpigil sa anumang insidente ng kaguluhan.
“Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya gamit ang apat na mobile outposts na ilalagay sa iba’t ibang bahagi ng Cotabato City bilang pilot project. Ang inisyatibang ito ay pangungunahan ng Philippine National Police (PNP),” paliwanag ni Balt.
Ang bawat unit ay may kasamang CCTV, air-conditioning, monitors, at iba pang mahahalagang kagamitan.
Tinalakay rin niya ang mga naging isyu noon kaugnay ng mga police outposts, aniya, “Magtatalaga tayo ng mas malalaking unit na may mas komportableng pasilidad, may air-conditioning, at may gulong para madaling mailipat.”
Ang mga mobile outposts ay itatayo sa mga sumusunod na lokasyon:
- Sa Town Plaza, isang lugar na may katamtamang dami ng tao
- Malapit sa Office of the Chief Minister, sa labas ng MPOS office
- Sa Sinsuat Avenue
- Ang ikaapat na lokasyon ay tinutukoy pa, maaaring sa loob ng bayan
Ang bawat unit, na nagkakahalaga ng P1.3 milyon, ay may kapasidad na mag-accommodate ng walong (8) personnel at may kasamang emergency kits.