Upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa sa gitna ng lumalalang init ng panahon, inilabas ng Ministry of Labor and Employment – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOLE-BARMM) ang Labor Advisory No. 001, series of 2025 na naglalaman ng mga panuntunan ukol sa pag-iwas at pagkontrol sa heat stress sa mga lugar ng trabaho.

Sa nasabing advisory, inaatasan ang mga employer na ipatupad ang mga hakbang upang mabawasan ang panganib na dulot ng matinding init, tulad ng pagbibigay ng sapat na pahinga, malinis na inuming tubig, maayos na bentilasyon, at iba pang safety at health measures.

Bukod dito, pinapayagan din ang mga employer at manggagawa na magpatupad ng flexible work arrangements.

Kabilang dito ang pagbabago sa oras ng trabaho upang makaiwas sa pinakamatinding init sa araw, basta’t nananatili ang kabuuang bilang ng oras ng trabaho kada araw o linggo.

Hinimok ng MOLE-BARMM ang lahat ng kumpanya at institusyon na sundin ang nasabing advisory para sa kapakanan at proteksyon ng lahat ng manggagawa.