Nasakote ng mismong mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Unit (PNP-ACU) ang isang 26-anyos na pekeng dentista matapos mahuling nag-aalok ng mga serbisyong dental online kahit wala itong kaukulang lisensya at dokumento mula sa gobyerno.

Ayon sa ulat, kilala ang suspek sa alyas na Jaja, at umano’y nag-aalok ng serbisyo gaya ng pagkakabit ng dental braces sa halagang ₱1,000, pati na rin ng iba pang serbisyong pang-dental.

Dahil sa natanggap na impormasyon, agad na nagsagawa ng operasyon ang PNP-ACU. Isang asset ang nagpanggap na kliyente at nakipag-appointment sa suspek upang magpaayos ng kanyang dental braces.

Habang isinasagawa ang procedure, agad na sumugod ang mga awtoridad at inaresto ang suspek sa aktong ginagawa ang ilegal na serbisyo.

Lalong ikinagulat ng mga otoridad ang eksena dahil isinasagawa umano ng pekeng dentista ang mga procedure sa gilid lamang ng ilog—isang maruming lugar at hindi ligtas para sa mga dental na operasyon.

Bukod dito, natuklasan din na wala ang suspek ng anumang standard na dental tools o kagamitan na karaniwang ginagamit ng mga lisensyadong dentista, kaya’t napakadelikado at mapanganib ang kanyang ginagawa sa kalusugan ng mga naloloko niyang kliyente.

Mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa Republic Act No. 9484 o ang Philippine Dental Act of 2007, at sa Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.