Nagpahayag ng kumpiyansa ang mga base commander ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamumuno ni Interim Chief Minister Abdularaof Macacua sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa isang pinagsamang pahayag ng labindalawang base commander, sinabi nilang maaasahan si Macacua sa pagdadala ng rehiyon. Binanggit sa pahayag na si Macacua ay kabilang sa kilusan para sa sariling pagpapasya ng mga Moro.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag sina 128th Base Commander Yasser Aboulkadir, 118th Base Commander Wahid Tundok, General Headquarters Base Commander Abdulkudos Balitok, Inner Guard Base Commander Badrudin Ebrahim, 129th Base Commander Nayang Timan, 110th Base Commander Alkarim Mamintal, Field Guard Base Commander Jurdin Kasim, 108th Base Commander H. Bayan Abas, 104th Base Commander Kashmir Mohammad, 109th Base Commander H. Abdillah Pagimanan, 106th Base Commander Abdulaziz Antao, at 105th Base Commander Mohidin Usman.
Ayon sa mga tagapamuno ng BIAF, may sapat na karanasan si Macacua bilang dating chief of staff ng kanilang hanay at may kakayahang humarap sa mga hamon ng pamumuno sa BARMM.
Samantala, sinabi ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo na nananatili ang suporta mula sa iba’t ibang sektor, MILF man o hindi, sa pamamahala ng Malacañang sa proseso ng transisyon ng kapangyarihan tungo sa bagong hanay ng mga opisyal ng BARMM. Inatasan si Lagdameo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangasiwaan ang maayos at mapayapang paglipat ng awtoridad sa rehiyon.
Samantala, pinabulaanan ni dating Maguindanao del Sur Governor at kasalukuyang kandidatong kongresista Esmael “Toto” Mangudadatu ang mga lumalabas na ispekulasyon ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng MILF. Ayon sa kanya, malinaw ang pagkilala ng lahat ng panig sa kasalukuyang pamumuno ni Macacua.