Walang nakikitang banta ng kaguluhan o civil unrest ang isang lider ng Kamara kaugnay ng posibleng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong kinahaharap nito sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kampanya kontra iligal na droga noong kaniyang administrasyon.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Representative Zia Adiong, pawang fake news umano ang mga kumakalat na post sa social media na nagsasabing magkakaroon ng malawakang kilos-protesta o kaguluhan.
Kung mayroon man aniyang mga pagkilos, ito ay bahagi lamang ng pagpapahayag ng damdamin at sentimyento ng mga tagasuporta ni Duterte, partikular na mula sa rehiyon ng Mindanao.
Minaliit rin ni Adiong ang mga nasabing pagkilos, at iginiit na mga “pockets of rallies” lamang ito, o maliliit na pagtitipon, at hindi malakihang kilos-protesta.