May pag-aalinlangan ang Malacañang sa usapin kung tatanggapin ba ng Pilipinas ang pansamantalang kalayaan o interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sakaling aprubahan ito ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa pahayag ng ICC, nakasalalay sa desisyon ng gobyerno ng Pilipinas ang posibilidad ng pansamantalang paglaya at pansamantalang pagbabalik sa bansa ng dating Pangulo.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng ICC na si Fadi El Abdallah na kailangang tanggapin muna ng Pilipinas ang mga teknikal na hakbang at kundisyon upang makapagpasya ang mga hukom ng ICC kung aaprubahan ang kahilingan ni Duterte para sa interim release.
Ipinunto rin ng opisyal ng ICC na maaaring humiling ng pansamantalang paglaya kung may nakalatag na hakbang at kundisyon upang matiyak na hindi tatakasan ng akusado ang kaso at babalik ito sa korte kapag ipinag-utos ng mga hukom.
Gayunpaman, ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, mahirap ipahayag na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC pagdating sa interim release, dahil maaari nitong buksan ang lahat ng iba pang usapin.
Kabilang dito ang isyu ng hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas, na mismong pamilyang Duterte ang kumukuwestiyon. Itinatanong din ni Castro kung makikipagtulungan ba ang Pilipinas sa ICC sakaling ipataw ang freeze order sa mga ari-arian ng dating Pangulo.