Dalawang lalaki mula sa San Pablo Village, Phase 2 Street, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City ang kasalukuyang nasa kustodiya ng City Police Station 2 matapos masangkot sa rambulan at mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga.

Ayon sa ulat mula kay Police Station 2 Commander PMaj. Teofisto “Jun” Ferrer, Jr., naging sanhi ng kaguluhan sa dating tahimik na barangay ang suntukan sa pagitan nina alyas Warief at Mansor. Agad na rumesponde ang mga barangay tanod upang awatin ang dalawa.

Matapos mapayapa ang sitwasyon, inaresto ng mga tanod ang dalawang lalaki at isinailalim sa inspeksyon. Dito nakuha sa kanilang pag-iingat ang tig-isang sachet ng pinaghihinalaang shabu, kasama ang mga parapernalya gaya ng improvised tooter at ilang disposable lighter.

Nahaharap ngayon sina Warief at Mansor sa mga kasong Alarm and Scandal at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa pagkakabawi ng ilegal na droga mula sa kanila.