Natutuwa at kuntento si PLTGen. Bernard Banac, ang komander ng Area Police Command (APC) Western Mindanao, sa kasalukuyang preparasyon ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) para sa nalalapit na halalan.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, inihayag ni PLTGen. Banac na ang mga hakbang na ginagawa ng PRO-BAR ay malaking tulong upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon, lalo na sa panahon ng eleksyon. Partikular na binabantayan ngayon ng APC Western Mindanao ang rehiyon ng BARMM dahil sa mga naitalang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa pulitika.
Dagdag pa ni Banac, handa silang magdagdag ng karagdagang pwersa kung kinakailangan upang masigurong ligtas at mapayapa ang gagawing halalan. Aniya, ang mga kasalukuyang tauhan ay sapat ngunit nakahanda silang magpadala ng karagdagang puwersa bilang suporta.
Binibigyang pansin din ni Banac ang mas mataas na antas ng pagbabantay sa BARMM dahil sa mga naitalang kaso ng pamamaslang na may kaugnayan sa eleksyon. Gayunpaman, tiwala umano siya na ang ibang mga rehiyon sa ilalim ng kanyang nasasakupan ay magiging mapayapa at ligtas habang papalapit ang araw ng botohan.
Tuloy-tuloy naman ang koordinasyon ng PRO-BAR at iba pang law enforcement agencies upang tiyakin ang maayos at tahimik na eleksyon sa buong rehiyon.