“Ang pananalig sa Diyos lamang ang tanging sandigan ng bawat - mananampalataya,” - Rev. Fr. John Angelo Gamino, DCC, rektor ng Notre Dame Archdiocesan Seminary

Nagpaalala ang Simbahang Katolika na hindi kailangang manalig sa mga anting-anting, agimat, o iba pang mga gamit na itinuturing na may kapangyarihang espiritwal tuwing Biyernes Santo o Good Friday.

Ito ang binigyang-diin ni Rev. Fr. John Angelo Gamino, DCC, rektor ng Notre Dame Archdiocesan Seminary, sa isang panayam ng Star FM Cotabato.

Ayon kay Fr. Gamino, ang tunay na pananampalataya ng isang Kristiyano ay dapat nakatuon lamang sa Panginoon at hindi sa paghahanap ng mga materyal na bagay na umano’y nagbibigay proteksyon o suwerte.

“Ang pananalig sa Diyos lamang ang tanging sandigan ng bawat mananampalataya,” giit ng pari.

Dagdag pa niya, dapat ding bigyang-halaga ng mga mananampalataya ang mga banal na liturhiya ng Simbahan, lalo na sa panahon ng Mahal na Araw, at pagnilayan ang kahalagahan nito sa kanilang pananampalataya.

Sa huli, muling ipinaalala ni Fr. Gamino sa publiko na gawing makabuluhan at mabunga ang paggunita ng Mahal na Araw sa pamamagitan ng taimtim na pagninilay, pagdalo sa mga misa, at taos-pusong pagsisisi sa mga kasalanan.

Hinimok rin niya ang lahat na iwasan ang labis na pagtuon sa bakasyon, outing, at mga makamundong kasayahan sa halip na magbalik-loob sa Diyos.