Arestado ang isang habal-habal driver na kinilalang si alyas Allan, 50-anyos, matapos isilbi ng mga awtoridad ang isang search warrant dakong ala-1:30 ng madaling-araw ngayong Martes Santo, Abril 15, 2025, sa kanyang tirahan sa Purok Crusher, Barangay Malasila.

Batay sa bisa ng Search Warrant No. SW-KID-854-2025 na may petsang Abril 11, 2025 at inisyu ng RTC Branch 23 sa Kidapawan City, sinalakay ng mga tauhan ng Makilala Municipal Police Station (MPS) katuwang ang 1st Cotabato Provincial Mobile Force Company (CPMFC) ang bahay ng suspek.

Sa isinagawang operasyon, narekober ng mga otoridad ang isang .38 caliber revolver at dalawang buhay na bala.

Kasalukuyang nakakulong si Allan sa lock-up cell ng Makilala MPS at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.