Mga opisyal at youth leaders ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) at Bangsamoro Youth Coordinating Council (BYCC) habang sama-samang ipinagdiriwang ang ika-limang anibersaryo ng BYC noong Abril 14, 2025 sa Cotabato City. Dinaluhan din ito nina Senior Minister MP Ustadz Mohammad Yacob, PhD at si Atty. Faidz Sendad bilang kinatawan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua.

Ipinagdiwang noong, Abril 14, 2025, ang ika-limang anibersaryo ng pagkakatatag ng Bangsamoro Youth Commission (BYC), isang mahalagang ahensiya na nagsisilbing tinig at kinatawan ng kabataan sa rehiyon ng Bangsamoro.

Itinatag ang BYC noong Abril 14, 2020 sa ilalim ng Bangsamoro Autonomy Act No. 13, na kilala bilang “An Act Creating and Establishing the Bangsamoro Youth Commission and Providing Funds Thereof.” Layunin nitong bigyang lakas at boses ang kabataang Bangsamoro sa larangan ng pamahalaan, pag-unlad, at serbisyo publiko.

Sa makulay na pagdiriwang na may temang “BYC at 5: Limang Taon ng Paglilingkod sa Kabataang Bangsamoro,” dumalo ang mga kinatawan ng iba’t ibang youth sector, kawani ng BYC, at mga miyembro ng Bangsamoro Youth Coordinating Council (BYCC). Kabilang sa mga pangunahing panauhin sina Senior Minister MP Ustadz Mohammad Yacob, PhD, at si Atty. Faidz Sendad na kumatawan kay BARMM Chief Minister Abdulraof “Al Haj” Macacua.

Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ang papel ng kabataan sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro. Ipinahayag din ang pasasalamat sa lahat ng indibidwal at sektor na naging bahagi ng limang taong makasaysayang paglalakbay ng komisyon.

Ayon sa mga opisyal ng BYC, patuloy nilang isusulong ang mga programa at polisiya para sa kabataan—na may pananabik, malasakit, at integridad. Naniniwala ang komisyon na sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng kabataan, mas magiging matatag ang kinabukasan ng Bangsamoro.

Ang pagdiriwang ay sinabayan ng mga aktibidad na nagbibigay-pugay sa mga tagumpay ng ahensiya at nagbibigay-inspirasyon sa mga susunod pang taon ng serbisyo.