Matapos pumutok ang mga alegasyon at pangamba mula sa ilang sektor, nagsalita na ang ilang residente ng Barangay Tubok sa bayan ng Malabang, Lanao del Sur upang linawin ang isyu kaugnay ng planong paglipat ng kanilang voting center mula sa kanilang barangay patungo sa Calimodan Village Elementary School na matatagpuan sa Barangay BPS Village.

Ayon sa mga residente, nais lamang nilang itama ang ilang maling impormasyon na lumalabas sa publiko. Binigyang-diin nila na ang desisyong ilipat ang lugar ng botohan ay hindi basta-basta ginawa kundi bunga ng mga seryosong ulat ng pananakot at pang-aabuso sa piling mga botante sa Barangay Tubok. Dahil dito, may mga residente umanong natatakot nang bumalik sa kanilang lugar upang bumoto.

Dagdag pa nila, mismong Commission on Elections (COMELEC) ang nagpasya sa paglipat ng voting center matapos na makatanggap ng mga ulat kaugnay ng mga insidente ng karahasan at katiwalian sa lugar.

Mariin din nilang itinanggi ang kumakalat na balitang maaaring mapahamak o mapatay ang mga botanteng magtutungo sa Calimodan upang bumoto. Ayon sa kanila, nananatiling maayos ang peace and order sa bayan ng Malabang at patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat botante.

Matatandaang noong nakaraang halalan noong 2022, marami sa mga botante ng Barangay Tubok ang hindi nakaboto dahil umano sa pandarayang ginawa ng ilang indibidwal na bumoto gamit ang pangalan ng ibang rehistradong botante—isang isyung muli nilang ibinangon upang igiit ang pangangailangan ng reporma sa sistema.

Sa huli, nanawagan ang mga residente ng patas at ligtas na halalan, kung saan ang karapatan ng bawat isa na bumoto ay ganap na nirerespeto at pinangangalagaan.