Isang makabuluhang paalala ang ipinaabot ni Rev. Fr. John Angelo Gamino, DCC, rector ng Notre Dame Archdiocesan Seminary sa mga mananampalataya ngayong ginugunita ang Semana Santa.

Sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, nanawagan si Fr. Gamino na gawing mabunga at makahulugan ang paggunita ng Mahal na Araw.

Ayon kay Fr. Gamino, dapat itong maging panahon ng tahimik na pagninilay, lalo na sa mga dinanas na pagsubok, pighati, at kahirapan sa buhay. Aniya, sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa rin dapat ang pananampalataya, sapagkat may naghihintay na liwanag at kagalakan sa dulo ng bawat pagdurusa.

“Bilang mga Kristiyano, huwag nating kalimutan ang pagsunod sa mga yapak ng ating Panginoong Hesukristo,” pahayag pa ng pari.

Dagdag pa niya, mas nararapat bigyang-halaga ang presensya sa simbahan kaysa ang paggala o pagpunta sa mga outing. Ani Fr. Gamino, ang tunay na diwa ng Semana Santa ay nasa puso ng bawat isa—hindi sa bakasyon, kundi sa pananalig, panalangin, at pagninilay.

Isang paanyaya rin ito sa lahat na gawing pagkakataon ang Semana Santa upang lalong mapalapit sa Diyos at magbalik-loob sa Kanya.