Nananatiling mababa ang inflation rate ng BARMM sa 0.2% nitong Marso, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Abril 14.

Ayon kay Engr. Akan Tula, Regional Director ng PSA-BARMM, pareho pa rin ito sa naitalang rate noong Pebrero, at nananatiling ikalawang pinakamababa sa buong bansa. Sa kabuuan ng Pilipinas, bumaba rin ang inflation rate mula 2.1% noong Pebrero sa 1.8% nitong Marso.

Ibinida ni Tula na ang pagbaba ng presyo sa mga serbisyo ng kainan, akomodasyon, pabahay, kuryente, at personal care ang pangunahing dahilan ng mababang inflation sa rehiyon.

Kabilang sa top 5 contributors sa inflation rate ang isda, restaurants, gulay, karne ng manok, at personal care products.

Pinakamababang inflation ay naitala sa Tawi-Tawi (-2.3%), habang pinakamataas sa Lanao del Sur (1.9%). Sa Cotabato City, bumaba rin ito mula 0.2% noong Pebrero sa -0.4% nitong Marso.

Ayon sa PSA, patunay ito ng tuloy-tuloy na hakbang ng BARMM government para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bilihin at maprotektahan ang purchasing power ng mga mamamayan.