Dumating na ang karagdagang puwersa mula sa 48th Infantry Battalion at 1st Armor Company ng Armor Division sa kampo ng Joint Task Force (JTF) Central nitong Martes at Miyerkules, Abril 15 at 16, 2025. Layunin ng kanilang pagdating ang pagtugon sa mga gawaing may kaugnayan sa nalalapit na halalan.

Ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng JTF Central at 6th Infantry Division (6ID), ang mga bagong tropa ay ipadadala sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan ng Maguindanao at sa Special Geographic Area (SGA) bilang bahagi ng paghahanda para sa National and Local Elections 2025 na nakatakdang ganapin sa loob ng mahigit tatlong linggo.

“Ang mga ito ay karagdagang pwersa para sa mga seguridad na operasyon at misyon sa panahon ng halalan. Patuloy naming tinatasa ang pangangailangan ng mga partikular na lugar kung kinakailangan pa ng dagdag na tropa,” pahayag ni Major General Gumiran.

Matatandaang nitong Marso, dalawang kompanya mula sa Marine Battalion Landing Team-6 (MBLT-6) ng Philippine Marines ang nauna nang ipinadala sa area of operations ng JTF Central upang gumanap din ng mga tungkuling may kaugnayan sa seguridad ng halalan.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na preparasyon ng JTF Central at 6ID katuwang ang Commission on Elections (COMELEC) at iba pang security agencies upang matiyak ang maayos, mapayapa, at tapat na pagdaraos ng National and Local Elections 2025.